No jail order ng bagong PNP Chief sa face mask violators, dapat sundin ng mga pulis

Sinang-ayunan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang utos ni bagong Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar, na huwag ikulong ang mga mahuhuling walang face mask at dalhin na lang sa mga lugar kung saan maaari silang pagmultahin, base sa mga lokal na ordinansa. 

Binigyang diin ni Recto, ang pagpapakulong sa mga face mask offender ay magpapalala lang ng siksikan sa ating mga bilangguan, at maaaring maging taliwas pa sa pag-iwas sa COVID infection ang kahinatnan ng pagsisiksik sa kanila sa mga presinto at kulungan. 

Bukod dito, made-delay pa aniya ang paglilitis ng kanilang kaso ngayong marami sa mga prosecution office at korte ay nagsasagawa lang ng kanilang trabaho online. 

Kaya naman mungkahi ng senator, kung naibaba lang ang face mask, maaaring sitahin na lang ang indibidwal, habang ang mga pasaway naman aniya ay patawan na lang ng multa o community service.  

Hindi rin aniya dapat masyadong mataas ang ipapataw na multa, dahil ang mataas na multa ay isa ring uri ng pang aabuso. 

Giit ng mambabatas, magandang hakbang para sa mga pulis na nagpapatrol na mamigay ng mga face mask sa ating mga kababayan.