“No homework policy”, ipinanukala ng dalawang kongresista


Dalawang panukalang batas ang inihain sa Kamara na layong limitahan ang pagbibigay ng takdang-aralin sa mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 12.

Una ay ang House Bill No. 36-11 na inihain ni Deputy Speaker Evelina Escudero, kung saan tatanggaling ang mga takdang-aralin at lilimitahan ang mga aktibidad sa paaralan.

Layon din ng naturang panukalang batas na iiwan ang mga libro ng mga estudyante sa paaralan para maiwasan ang pagbubuhat ng mga mabibigat na gamit sa eskwela pauwi mula sa paaralan.

Sa ilalim ng naturang panukala, dapat siguruhin ng lahat ng basic education schools na bigyan ng sariling locker ang bawat estudyante kung saan nila maaaring iwanan ang kanilang mga textbooks.

Samantala, naghain din si Quezon City Representative Alfred Vargas ng kaparehong panukala kung saan tuwing ‘weekends’ dapat limitahan o hindi magbigay ng takdang aralin.

Ayon kay Vargas, base sa isang pag-aaral na isinagawa sa South Africa noong 2018, ang homework daw ay may negatibong epekto sa family life.

Sa ilalim ng House Bill 38-83, posibleng makulong o pagmultahin ng P50,000 ang mga guro na lalabag sa kondisyon ng “No homework policy.”