“No exemption” policy sa pagpapatupad ng security check sa mga paliparan, dapat lang ipatupad – SAP Bong Go

Naniniwala si Special Assistant to the President Secretary Bong Go na dapat lang na pairalin ang “no  exemption” policy sa pagpapatupad ng security check sa mga paliparan.

Ang pahayag ay ginawa ni SAP Go sa gitna ng viral video ni ACTS OFW Partylist Congressman John Bertiz na umani ng batikos mula sa mga Netizen dahil sa inasta nito sa isang airport security personnel.

Paalala ni Go sa kanyang mga kapwa opisyal at empleyado ng pamahalaan, maging tamang ehemplo sa mamamayan sa pamamagitan ng pagtalima sa mga protocol na ipinatutupad ng isang partikular na ahensiya ng pamahalaan.

Pagbibigay diin ni SAP Go, pagsisilbi sa kapwa ang dapat maging layunin sa pagpasok sa gobyerno at hindi upang mabigyan ng special treatment.

Kaugnay nito’y sinabi ni Go na bagamat kanyang kaibigan si Congressman Bertiz, bahala na aniyang magpaliwanag ito sa pangyayari at mula sa kontrobersiya ay may mapulot sanang leksyon dito ang mga nasa gobyerno.  | ulat ni Alvin Baltazar