‘No Contact Apprehension Program’, ipatutupad sa Valenzuela City

Simula na sa September 16 ang implementasyon ng “No Contact Traffic Apprehension System” sa Valenzuela City.

Kasabay ng launching ng programang ito kaninang umaga, pinasimulan na rin ang dry run sa Karuhatan Road na nilagyan na ng ‘high speed camera system’.

Layon ng programang ito na matugunan ang traffic management at road safety problems sa lungsod.

Inisyatibo ito ng local government unit para suportahan ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-reclaim ang mga public roads sa anumang obstructions.

Naniniwala naman si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na malaking tulong ito sa mga enforcers na madisiplina ang mga motorista.

Ganitong sistema na rin ang ginagamit sa mga developed countries tulad ng United States, Europe at iba pang bansa sa Asya.

Sa ngayon, may tatlong camera system ang naka-install sa McArthur Highway partikular sa Karuhatan at Gov. Santiago Roads, gayundin sa People’s Park.

Plano ng pamahalaang lungsod na maglagay ng inisyal na 18 camera system sa iba’t ibang lugar para sa full implementation ng programa.

Bukod kay Mayor Gatchalian, dumalo din sa launching ang mga opisyal ng MMDA, DOTr, LTFRB at LTO para suportahan ang programa.