NHA, Marawi Mayor: Walang antala sa Marawi rehab

Iginiit ng National Housing Authority (NHA) at Pamahalaang Lokal ng Marawi City  na walang pagkaantala sa rehabilitasyon ng naturang ground zero at pabahay sa mga biktima ng Marawi siege.

Sa isang media briefing, iginiit ni NHA General Manager Marcelino Escalada Jr., na hindi naantala ang mga proyekto sa pagbabalik sa ayos ng naturang lungsod.

Paliwanag ni Escalada, na hindi nagsimula ang naturang proyekto pagkatapos magdeklara ng pagtatapos ng giyera, kundi pagkatapos na ng ebalwasyon at paglalabas ng pondo.

Ayon sa opisyal, para masimulan lang ang proyekto dahil natagalan ang pagpapalabas ng pondo, nag-advance muna ito ng P1.9-million mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Sa ngayon, ayon kay Escalada, meron na itong pondo mula sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), kung saan dito kukunin lahat ng development projects sa rehabilitasyon.

Sa panig naman ni Mayor Majul Gandamra, na gustuhin man umano ng gobyerno na mapabilis ang proseso, pero dahil sa mga presensya ng mga pampasabog sa loob ng ground zero, ay kinakailangan nilang magdahan-dahan para masiguro na walang anumang disgrasya na mangyayari na posibleng lalong magpatagal dito.

Ayon kay Gandamra, isa rin sa nagpaantala ang pagbibigay ng pahintulot ng mga nagmamay-ari ng mga istraktura sa loob ng most affected areas, may iba na nag-aalangan dahil sa pangamba na baka may mga gamit na makuha na ibabalik sa kanila.

Pinaliwanag di umano ng alkalde sa mga residente ng ground zero, na kailangan nang masimulan ang rehabilitasyon para makabalik na sila sa lalong madaling panahon, kaya ito napapayag.

Rason din ng pagkaantala ng pagtatayo ng mga bahay para sa mga biktima ang matagal na pagpapadala ng kagamitan dito, dahil ang nanalong contractor ay kukuha pa ng mga materyales mula South Korea.