NGCP, muling magpapatupad ng ‘yellow alert’ status dahil sa manipis na reserba ng kuryente sa Luzon grid

Muling magpapatupad ng ‘yellow alert’ status ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ngayong araw.
 
Sa abiso ng NGCP, sa pagitan ng ala-1:00 at alas-3:00 ng hapon, nasa ilalim ng naturang alerto ang grid system sa Luzon.
 
Paliwanag ng ahensya, ito ay dahil sa hindi inaasahang shutdown ng ilang planta at bunsod na rin ng high-power demand kaya’t nagiging manipis ang reserba ng kuryente sa rehiyon.
 
Batay sa impormasyon ng NGCP sa mga nabanggit na oras, nasa 11,764 megawatts (MW) ang available capacity ng Luzon grid habang 10,891 MW ang inaasahang peak demand.
 
Sa ilalim ng ‘yellow alert’ status, may posibilidad na makaranas ng brownout o pansamantalang pagkawala ng supply ng kuryente sa ilang lugar kung hindi agad maibabalik sa normal na operasyon ang grid system. | via Shane Juan