NFA, wala ng balak magdagdag ng rice imports sa bansa at magpopokus na lang sa mabilis na delivery ng murang bigas sa mga pamilihan

Muling iginiit ng National Food Authority (NFA) na wala na itong planong dagdagan pa ang rice imports ng Pilipinas sa ngayon.

Sa halip, paliwanag ni NFA Administrator Jason Aquino ay nakatuon na ang atensyon ng ahensya para sa mabilis na delivery ng murang NFA rice sa mga pamilihan.

Ito aniya ay sa gitna ng unti-unting pagdating sa bansa ng ilang bahagi ng 250,000 metric tons (MT) ng bigas mula Vietnam at Thailand na binili sa ilalim ng government-to-government procurement scheme.

Sinabi pa ni Aquino na ilang bagong paraan rin ang kanilang ikinukonsidera kaugnay ng epektibong distribusyon upang magkaroon ng ‘access’ sa subsidized rice ang mga dapat talagang benepisyaryo nito.

Sa ilalim ng kasunduan, binibigyan ng hanggang katapusan ng Hunyo upang makumpleto ng dalawang nabanggit na supplying countries ang delivery ng imported rice.

Samantala, inaasahan naman ang pagdating sa Hulyo ng karagdagang 250,000 MT ng bigas na binili ng NFA sa ilalim ng open tender bidding noong May 22.

 Nakuha ng limang suppliers mula sa Thailand at Singapore ang supply contract at ito ay gagawing food security stock ng NFA sa panahon ng tinatawag na ‘lean months’ magmula Hulyo hanggang Setyembre. | ulat ni Shane Juan