NFA rice outlets, pinarami pa sa buong bansa

Aabot na sa 26,879 ang accredited rice outlets ng National Food Authority (NFA) sa buong bansa, ang nagbebenta ng murang bigas na P27 at P32 kada kilo.

Ayon kay NFA OIC Administrator Tomas Escares mahigit sa 6,000 karagdagang rice outlets ang binigyan ng accreditation ng NFA noong Enero ng taong 2018.

Bukod sa dagdag na rice outlets, itinaas din ng ahensiya ang share sa rice market mula sa average na 9.18% noong 2018 hanggang 11.76% para sa buwan ng Enero 2019.

Dahil sa patuloy na pagdating ng inangkat na bigas, nagiging accessible ito sa maraming consumers sa buong bansa.

Pagtiyak pa ni Escares, na gagawin ng NFA ang lahat upang mapanatili ang presensiya ng murang bigas sa pamilihan, na pakikinabangan ng mga mahihirap at marginalized sector sa bansa.

Sa 1.250 million metric tons ng NFA rice na inangkat noong 2018 sa ilalim ng government-to-government scheme, kabuuang 1,013,804 MT dito ang na-ideliver na at paparating na rin sa bansa ang natitira pang balanse.

Base sa average daily sales ng NFA, tatagal ang imported rice stocks hanggang sa buwan ng Agosto ngayong taon. | ulat ni Rey Ferrer