NFA rice na may presyong 27 at 32 kada kilo, makikita na sa mga pamilihan sa buwan ng Mayo

Inaasahan na makikita na sa mga pamilihan sa buong bansa ang NFA rice na may presyo na 27 at 32 pesos kada kilo sa buwan ng Mayo.

Ito’y dahil sa umuusad na ang proseso ng importasyon ng 250,000 metric tons ng bigas para sa buffer stock ng pamahalaan.

Matapos ang pagreview sa Terms of Reference tungkol sa government-to-government importation, inaprubahan at nilagdaan na ito ni NFA Administrator Jason Aquino nitong nakalipas na araw.

Naipadala na rin ang letters of invitation sa local embassies ng Vietnam at Thailand kung saan mayroong existing Rice Trade Agreement ang Pilipinas.

Sinabi ni Aquino, itinakda na rin sa Abril 27, 2018 ang submission ng mga kinakailangang dokumento mula sa bidding countries para sa mga alok na presyo.

Aniya kapag natapos na ang proseso hanggang sa pag award sa winning bidder ng notice to proceed sa Mayo 7, maaari ng simulan ang shipment ng imported rice sa bansa.

Pagtaya pa ng NFA, aabutin ng 10 hanggang 15 araw ang shipment ng bigas bago dumating sa bansa. | via Rey Ferrer