NFA, prayoridad ang rice distribition sa mga retailers sa mga lugar na sinalanta ni Usman

Ipinag-utos na ni National Food Authority (NFA) OIC Administrator Tomas Escarez, sa mga field offices ng NFA na gawing prayoridad ang rice distribution sa mga retailers sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Usman.

Layon nito na matiyak na magkaroon ng sapat na supply ng NFA rice ang mga accredited rice retailers na magpapatuloy ng pagbebenta ng murang bigas sa halagang P27 at P32 kada kilo sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

Mahigpit ding pinababantayan ng NFA ang presyuhan ng bigas upang masiguro na walang negosyante ang magsasamantala na magtaas ng presyo sa mga pamilihan.

Base sa datos ng NFA, umabot na sa 13,730 bags ng bigas ang naipamahagi na nito para sa relief operations sa siyam na lalawigan ng Regions 4, 5 at 8 na tinamaan ng bagyong Usman.

Karagdagan pa dito ang 5,175 bags na kinuha sa mga NFA warehouses sa Camarines Sur ng iba’t ibang relief agencies tulad ng Office of Civil Defense, Philippine Red Cross at iba pa.  | ulat ni Rey Ferrer