NFA, nilinaw na walang nangyaring diversion ng pondo sa ahensiya

Nagtataka ang finance managers ng National Food Authority (NFA) kung saan kinuha ng Samahang Industriya ng Agrikultura ang sinasabing diversion ng P5.1 billion na laan sa procurement ng bigas noong 2017 na napunta sa pambayad ng maturing loans ng ahensya.

Kung susuriin ang Commission on Audit (COA) report, walang direktang binabanggit tungkol sa diversion ng NFA funds.

Sa katunayan sa exit conference noong Hunyo pinuri ng COA ang NFA dahil sa masinop na paggamit ng pondo.

Hindi naman kumpletong P5.1 Billion ang napasakamay ng NFA dahil otomatikong kinaltas dito ang 10 porsyento o katumbas ng P510 million bilang bayad sa tinatawag na guarantee fee at ang P2.5 billion para sa annual contribution ng ahensya sa 10-year Treasury Bonds na inisyu noong Pebrero 2008.

Ang total net subsidy na napasakamay ng NFA noong Marso 1, 2017 ay umaabot lamang ng P2.09 Billion.

Pero, sa kabila nito, naitaas pa rin ng ahensya ang total cost ng importasyon nito noong 2017 na umabot ng P5.2 billion pesos.

Lahat ng ito ay detalyado namang naiulat sa Department of Budget and Management (DBM).  | ulat ni Rey Ferrer