NFA, nilinaw na hindi nakikipag-kumpetensya sa rice traders sa pagbili ng palay sa mga magsasaka

DAGUPAN CITY–Iginiit ni National Food Authority (NFA) Eastern Pangasinan Branch Assistant Manager Dionisio Rivera na hindi sila nakikipag-kumpetensya sa rice traders sa pagbili ng suplay ng palay sa mga magsasaka.

Paliwanag ni Rivera, ang mandato ng NFA ay bilang pangsuporta lamang sa mga magsasaka kapag mababa ang presyo ng palay sa merkado.

Masaya aniya sila kapag nabenta ng mga magsasaka ang kanilang palay sa rice traders dahil tiyak na mas malaki ang kanilang kikitain.

Sa ngayon aniya ay nananatili sa P17 bawat kilo ang pagbili nila ng bigas subalit may karagdagan ito ng 70 sentimo para sa mga magsasakang miyembro ng kooperatiba.

Nabatid aniya na sa ngayon ay nasa P21 hanggang P24 bawat kilo ang pagbili ng rice traders sa palay ng mga magsasaka. | ulat mula sa DZMQ – Radyo Pilipinas Dagupan