NFA, nakalikom ng P10.78M, mula sa multa ng madadayang rice traders sa buong bansa

Mula Nobyembre 30, aabot na sa P10.78 million ang nalikom ng National Food Authority (NFA) mula sa multa ng 8,826 grains businessmen dahil sa iba’t ibang paglabag.

Kasunod ito ng pinasiglang rice and market monitoring activities ng NFA ngayong taon.

Ayon kay NFA OIC-Administrator Tomas Escarez, may 168,140 business establishments sa buong bansa ang na-inspeksyon na ng NFA na nagresulta ng pagtukoy at paghuli sa mga madadayang rice traders .

Bukod sa napigil ang illegal activities ng mga ito, nakatulong din daw ang pinalakas na enforcement activities ng ahensiya para mapatatag ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Sa kabuuan may 668 malalaki at maliliit na pamilihan sa National Capital Region (NCR), kabilang ang Cavite at Rizal provinces, na may 1,946 accredited NFA rice retailers, at kabuuang 5,328 licensed grains businessmen.

Malaki din ang naitulong ng NFA Kontra Abuso Hotline, na inilunsad noong Hulyo kung saan lahat ng 802 reklamo na naiparating ng mga concerned citizens ang matagumpay na naresolba. | ulat ni Rey Ferrer