NFA, nagsimula nang mamahagi ng bigas sa mga sinalanta ng bagyong Rosita

Nakapagpadala na ng sako-sakong bigas ang National Food Authority (NFA) sa mga lugar na hinagupit ng bagyong Rosita sa Northern at Central Luzon.

Mahigpit ang bilin ni NFA OIC Administrator Tomas Escarez, sa kanilang field offices na magandang kalidad ng bigas ang kanilang ipagkakaloob sa mga Local Government Units (LGUs) at relief agencies.

Aniya, halos nakuha na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong lugar ang mga bigas na nakalaan para sa relief operations.

175 na sako ng bigas ang naipamahagi sa provincial government ng Isabela, 244 bags sa DSWD-La Union, 50 bags sa provincial government ng Pangasinan, 50 bags sa LGU ng Laoac Pangasinan, 6 bags sa LGU ng Sta. Catalina at 30 bags sa LGU ng Caritas Nueva sa Ilocos Sur.

Tiniyak ni Escarez na may sapat na suplay ng bigas sa mga bodega ng NFA sa mga nabanggit na rehiyon

Inalerto na ang mga NFA local offices doon na mahigpit na makipag-ugnayan sa mga relief agencies para mabilis na makapagpadala ng suplay na bigas.

Nagpakalat na rin ang NFA ng market monitoring teams para matiyak na hindi makapagsamantala ang mga switik na negosyante sa sitwasyon.  | ulat ni Rey Ferrer