NFA, nabigo na igawad ang pag-aangkat ng 203,000 metric tons na bigas

Hindi na sumama sa public bidding ang bansang Vietnam at Thailand para sa importasyon sana ng karagdagang 203,000 metric tons na bigas sa pamamagitan ng government to government scheme.

Sa ginanap na bidding kanina, nabigo ang National Food Authority (NFA) na igawad ang bidding dahil hindi nag-alok ng bid price ang Thailand at Vietnam dahil hindi sila makatugon sa mahigpit na Terms of Reference ng gobyerno.

Ayon kay NFA Spokesperson Angel Imperial, itinakda ng NFA sa $447.88 dollars per metric ton ang reference price nito para sa kailangang volume ng bigas.

Ang government to government scheme na pag-angkat ng bigas ay para tiyaking may sapat na buffer stock ang ahensya para patatagin ang presyuhan ng NFA rice.

Muling mag-uusap ang NFA Council para itakda kung kailan ang re-bidding sa 230,000 metric tons na bigas.

Samantala, bukas din itinakda ng NFA ang panibagong pre-bidding para sa suplay at paghahatid ng 500,000 metric tons ng 25% brokens, well-milled, at long grain white rice.   | ulat ni Rey Ferrer