NFA-La Union, ipinatupad ngayong araw ang ‘Tulong sa Bayan’ project para sa mas murang presyo ng bigas na mabibili sa merkado

Simula ngayong araw, ipinatupad na ng National Food Authority sa lalawigan ng La Union ang “Tulong sa Bayan”, isang proyekto ng pamahalaan na makakatulong sa maraming Pilipino na makabili ng mas murang presyo ng bigas sa merkado habang wala pang mabibiling bigas mula sa NFA.

Sa panayam, sinabi ni NFA Region 1 Director Piolito Santos na nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa mga rice millers sa lalawigan upang magbenta ng mas murang presyo ng bigas sa halagang P39 bawat kilo bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Agad naman aniyang tumugon ang ilang rice millers sa lalawigan at nangakong tutulong sa pamahalaan habang wala pang dumarating na imported rice sa NFA.

Umaabot na sa mahigit 600 sako ng bigas ang naiparating ng mga rice millers sa NFA-La Union ngayong araw upang maibenta sa merkado at madadagdagan pa umano ito sa mga susunod na mga araw.

Sa kasalukuyan ay ang lungsod ng San Fernando pa lamang ang nagkaroon ng “Tulong sa Bayan” dahil ang presyo ng commercial rice dito ay hindi bababa sa P44.00 kada kilo.

Susunod na rin aniya na ipatutupad ang naturang proyekto sa bayan ng Aringay at Bauang upang makabili ng mas murang bigas ang mga residente roon.

Ayon kay Santos, bawat mamimili ay makakabili ng tatlo hanggang limang kilong bigas sa mga piling rice retailers sa mga pamilihan na may karatula na “Tulong sa Bayan”. | via Charity Frianeza