NFA, binuksan na ang pre-bid conference para sa Open Trader Scheme ng pagbili ng Well-Milled Long Grain White Rice

Bubuksan na ngayong umaga ng National Food Authority (NFA) ang Pre-Bid Conference para sa Open Tender Scheme ng pagbili ng karagdagang 250,000 Metric Tons ng Well-Milled Long Grain White Rice.

Ayon kay NFA Director Rebecca Olarte, ang proseso ng panibagong pagbili ng karagdagang bigas ay para gawing buffer stocks ng pamahalaan sa panahon ng lean months mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon.

Bahagi din ito ng disaster preparedness program ng NFA kung saan pupunuin ng bigas ang mahigit 300 warehouses sa 15 regional at 89 provincial offices nito sa buong bansa.

Aniya ang Open Tender Scheme ay bukas sa lahat ng supplier, ito man ay manggaling sa ibang bansa, sa mga pribado at government sector.

Mula noong Mayo 1, pinayagan na ng NFA ang mga interesadong suppliers na kumuha ng bid ducuments sa special bids and awards committe ng NFA para sumali sa bidding ngayong Mayo 22.

Nitong nakalipas na linggo lamang, inaward ng NFA sa Vietnam at Thailand ang pag-supply ng unang 250,000 metric tons ng imported na bigas na inaasahang darating ngayong buwan ng Mayo at katapusan ng Hunyo. | via Rey Ferrer