“New poor” na nalilikha ng epekto ng pandemya, maaaring manggaling sa OFWs at nasa industriya ng turismo — Palasyo

Para sa MalacaƱang, turismo at mga OFW ang sektor na pinakamatinding tinamaan ng pandemya dito sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, posibleng magmula sa nabanggit na sektor ang sinasabi ng World Bank na tinaguriang “new poor” o ang mga dati nang nakabangon sa kahirapan at maaaring muling magbalik sa kahirapan
dahil sa COVID-19 shock.

Nakakalungkot ani Roque ang naturang katotohanan, pero pilit naman aniyang gumagawa ng paraan ang pamahalaan para agapan ang lalo pang pagkakalugmok ng mga nasa turismo at mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa.

Isa aniyang paraan dito ang unti-unting pagbubukas ng turismo gaya ng pagbubukas na uli ng isla ng Boracay at siyudad ng Baguio simula ngayong araw na ito.

Nandiyan din ani Roque ang TESDA, Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na hindi lang nagpapautang sa mga OFW na napauwi, kundi sinusuportahan din po natin sila para magkaroon ng alternatibong hanapbuhay.