Negative impact ng re-enacted budget sa ekonomiya, mababawasan kung maipapasa ang 2019 Budget sa Enero – Sec. Diokno

Kumpiyansa si Budget Secretary Benjamin Diokno na tatapusin ng Kongreso ang budget deliberation sa 2019 proposed budget sa oras na makabalik na ang mga mambabatas mula sa kanilang Christmas break.

Ayon kay Diokno, tila pagod na ang mga kongresista at kailangan nang magbakasyon kahit na hindi pa naaaprubahan ang 2019 budget.

Hiling lang ng kalihim, sana ay makapag-recharge ang mga ito sa pagbabalik ng sesyon sa Enero at agad na maipasa ang budget para sa susunod na taon.

Kaya hangga’t hindi bumabalik ang sesyon at hindi natatalakay ang proposed 2019 budget, reenacted budget muna ang gagamiting pondo pagpasok ng 2019.

Sa kabilang dako’y hindi naman aniya re-enacted ang capital spending, kung kaya’t posibleng makaapekto ito sa public capital formation na maaaring mauwi sa pagkawala ng maraming trabaho at paglala ng kahirapan.

Pero kapag maaga umanong maipasa sa susunod na buwan ang budget sa 2019 ay mababawasan nito ang negatibong epekto ng paggamit ng re-enacted budget sa ekonomiya. | ulat ni Alvin Baltazar