NEDA: Mas bubuti na ang lagay ng ekonomiya ngayong 2nd quarter ng taon

Positibo ang National Economic and Development Authority (NEDA) na magkakaroon na ng improvement sa economic performance ng bansa, ngayong second quarter ng taon.

Paliwanag ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua, dahil sa pinairal na risk management ng pamahalaan ay hindi lubos na naparalisa ang mga trabaho, at 75 percent pa rin ng ekonomiya ang bukas kahit na hinigpitan ang quarantine restrictions nitong mga nakaraang buwan.

Gayunman, mahalaga pa rin aniyang ma-sustain ito sa pamamagitan ng pagluluwag pa sa ekonomiya, pagpapalawak sa vaccination program at mabilis na rollout ng mga stimulus package ng pamahalaan.

Aminado naman ang kalihim, na posibleng sa third quarter pa ng 2022 bumalik sa pre-pandemic level ang economic status ng bansa.

Umaasa naman ang kalihim, na magtutuloy-tuloy na ang pagbuti ng COVID situation sa bansa, nang mapaluwag pa lalo ang mga natitira pang restriksyon, kabilang na ang paglabas ng mga bata at ang pagbubukas muli ng physical classes.