NEDA, hiniling ang maagang pagsasabatas ng panukalang National Economic and Development Act of 2018

Hiniling ngayon ng National Economic Development Authority (NEDA) ang maagang pagsasabatas ng panukalang National Economic and Development Act of 2018.

Sa kanyang pagharap ngayon sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Economic Affairs, na pinamumunuan ni Sen. Win Gatchalian, sinabi ni Socio-Economic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang pagsasabatas ng nasabing panukalang hakbangin ay ang pinal na pagkilala sa kalayaan ng NEDA sa pagpapatupad ng socio-economic plans, programs at polisiya sa Konstitusyon.

Sa bahagi ni Sen. Gatchalian, na siyang pangunahing may-akda ng Senate Bill No. 1030, kanyang sinabi na ang isang pinalakas na NEDA ay ang magiging isang independent economic and planning agency ng gobyerno ng Pilipinas.

Inamin naman ni Secretary Pernia na ang kasalukuyang set-up ay hindi na sapat para sa NEDA upang maipatupad ang oversight function nito.

Paliwanag pa ng kalihim na sa kasalukuyang sistema ng NEDA, ang mga inisyatibong pang-reporma ng gobyerno ay madalas na hindi agad naipatutupad at minsan ay hindi pa episyenteng naisasagawa dahil sa kawalan ng kaukulang kapangyarihan ng ahensya bilang economic manager ng gobyerno.

Ang pinalakas na NEDA ay bubuohin ng National Economic and Development Board at ng NEDA na may anim-na-kataong board na pamumunuan mismo ng Pangulo ng bansa bilang chairman.  | ulat ni Jojo Ismael