NEA, umapela sa Kongreso na dagdagan ang kanilang pondo para sa taong 2019

Umaasa ang National Electrification Administration (NEA) na madadagdagan pa ang pondo nito na inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa susunod na taong 2019.

Ayon kay NEA Administrator Edgardo Masongsong, hihilingin nila sa Kongreso na dagdagan o di kaya ay pantayan man lang ang inilaang pondo na P1.163 bilyon.

Aabot sa P654 milyon ang tinapyas sa pondo ng National Electrification Administration ng DBM. Mula sa P1.8 bilyong pondo ngayong taong 2018 ay magiging P1.163 bilyon na lamang ang pondo para sa susunod na taon.

Aabot sa P1.4 milyon ang pondong inilalaan ng NEA para mapailawan ang isang sitio kaya sa P654 milyon na tapyas ay aabot sa 450 sitio ang hindi mapaiilawan sa susunod na taon.

Pero maliit na bilang lamang ito kumpara sa kabuuang 19,740 sitio sa buong bansa na wala pang napagkukunan ng ilaw, 8,535 sitio ay mula sa Mindanao.

Target sana ng NEA na pagdating ng taong 2022, lahat ng sitio sa bansa ay mayroon ng elektrisidad. | ulat ni Rey Ferrer