NDRRMC, nagbabala sa mas marami pang ulan na dala ng habagat

Inabisuhan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kanilang mga regional at local counterparts na maghanda para sa mas marami pang ulan na dala ng habagat.

Batay sa PAGASA, bagamat wala na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Fabian, magpapatuloy ang monsoon rain sa iba’t ibang panig ng bansa hanggang Biyernes.

Sinabi rin ng PAGASA na nakakaranas ng mahinang “La Niña” ang bansa na nagdudulot ng karagdagang pag-ulan.

Ayon kay NDRRMC Chairperson, Defense Secretary Delfin Lorenzana, nasa kalagitnaan ang bansa ng tag-ulan at dapat paghandaan ng publiko ang mga bagyo na regular na dumarating sa panahong ito.

Sa huling situation report ng NDRRMC, apektado ng habagat na pinalakas ng Typhoon Fabian ang mahigit 50 libong pamilya o mahigit 202 libong indibidual sa Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Western Visayas, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region.