NDFP Peace Consultant, patay sa pamamaril sa Nueva Vizcaya

Napatay ang isang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant sa pamamaril kaninang madaling araw sa Aritao, Nueva Viscaya.

Kinilala ni Nueva Vizcaya Police Director Ssupt Jermias Aglugub ang biktima na si Randy Felix Malayao.

Batay sa imbestigasyon, si Malayao ay nakasakay sa isang bus na patungong Isabela, na nag-stop over sa bayan ng Aritao kaninang pasado alas-2 ng madaling araw.

Nagsibabaan sa stop-over ang driver at ibang mga pasahero ng bus, habang naiwan sa loob ng bus si Malayao.

Dito naman umakyat sa bus ang isa sa dalawang suspek at binaril ng dalawang beses si Malayao na dead on-the-spot.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa pamamaril. | ulat ni Leo Sarne