NCRPO, maglulunsad ng anti-drug lectures sa mga paaralan bilang bahagi ng pinalawak na kampanya kontra droga – NCRPO Dir. Eleazar

Bilang bahagi ng pinalawak na community engagement ng Philippine National Police sa kampanya kontra droga, maglulunsad ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mga anti-drug lectures sa mga pamahalaan.

Ito ang inihayag ni NCRPO Director Guillermo Eleazar sa kanyang pormal na pag-upo sa pwesto kahapon.

Ang assumption of office ceremony ay isinagawa kahapon sa Camp Bagong Diwa, Taguig na pinangunahan ni PNP Directorate for Administration Director, Deputy Director General Ramon Apolinario.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Eleazar na pagtutuunang pansin ng kanyang pamunuan sa NCRPO ang seguridad at kapayapaan, paglaban sa iligal na droga at kriminalidad sa Metro Manila.

Kabilang sa mga ilulunsad na programa ni Eleazar ang pakikipag-ugnayan sa mga eskwelahan kung saan magbibigay ng lecture ang mga pulis sa mga estudyante hinggil sa mga programa ng pamahalaan laban sa iligal na droga at paano maiiwasan ang mga ito.

Binalaan din ni Eleazar ang mga tiwaling pulis dahil tuluy-tuloy ang internal cleansing sa hanay ng PNP lalo na sa NCRPO na sinimulan ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde. | ulat ni Leo Sarne