NCRPO Director Oscar Albayalde, walang nahuling pulis na naglalasing o natutulog sa surprise inspection kaninang madaling araw

Nagpahayag ng kumpyansa si Albayalde na magtutuluy-tuloy na ang ganitong maayos na pagtatrabaho ng mga pulis, matapos masampolan ang 18 pulis na unang nahuling natutulog at naglalasing sa oras ng trabaho.

Walang nahuling pulis na naglalasing o natutulog sa oras ng trabaho sa surprise inspection na isinagawa ni NCRPO Director Oscar Albayalde kaninang madaling araw.

Sa report na nakarating sa Camp Crame, iniulat ni Albayalde na nakaalerto at aktibong nagpapatrolya ang mga tauhan ng Police Community Precincts (PCP) na kanilang inikutan.

Ang mga PCP na ininspeksyon ay ang PCP 11 ng Valenzuela, PCP 1 at PCP 9 ng Malabon, PCP 4 ng Navotas at PCP Smokey Mountain sa Maynila.

Nagpahayag ng kumpyansa si Albayalde na magtutuluy-tuloy na ang ganitong maayos na pagtatrabaho ng mga pulis, matapos masampolan ang 18 pulis na unang nahuling natutulog at naglalasing sa oras ng trabaho.

Pinuna lang ni Albayalde ang pisikal na kundisyon ng mga PCP na aniya ay medyo dilapidated at hindi kaaya-aya sa paningin.

Mangangailangan aniya ng tulong sa mga LGU’s Ang PNP para makapagpagawa ng mga mas-presentableng mga PCP.

Pinansin din ni Albayalde na marami nang mobile patrols ang PNP pero mayroon parin aniyang kakulangan sa mga radyo ng mga nagpapatrolyang pulis. | via Leo Sarne