NCRPO Dir. Sinas, humingi ng paumanhin sa napaulat niyang ‘birthday party’ 

Humingi ng paumanhin si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Maj. Gen. Debold Sinas sa publiko matapos na kumalat sa social media ang mga larawan ng kanyang umano’y ‘birthday party’ kung saan mistulang nalabag ang mga umiiral na quarantine regulations.

Sa isang statement ipinaliwanag ni Sinas na ang pagtitipon noong May 8 ay “mañanita” o pagsalubong sa kanyang kaarawan na kusang-loob na ginawa ng kanyang mga tauhan.

Pero Giit ni Sinas, ang kanyang pag-accommodate sa kanyang mga tauhan ay ginawa niya ng may istriktong paalala ukol sa pag-obserba ng social distancing at iba pang mga health protocols.

Sinabihan din niya ang kanyang mga tauhan na huwag magtagal sa pagtitipon at paghandaan ang gagawin nilang relief distribution sa NCR noong araw na iyon.

Paliwanag pa ni Sinas, ang ibang kumalat na mga larawan sa social media ay edited at kinuha mula sa mga lumang post.

Gayunpaman, humingi ng dispensa si Sinas kung ang mga naturang larawan ay nakalikha ng “anxiety” sa publiko, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi niya intensyon na lumabag sa mga umiiral na patakaran kaugnay ng Enhanced Community Quarantine.

Tiniyak ni Sinas na ang NCRPO ay nananatiling tapat sa mga opisyal na pahayag ng Pangulo Rodrigo Duterte at ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa.