NCRPO Chief Eleazar, pangungunahan ang pagtatatag ng Intel Liaison Office sa BuCor

Pangungunahan mamaya ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMaj. General Guillermo Eleazar ang pagtatatag ng NCR Quad-Intel Force Liaison Office sa Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa City.

Ang Liaison Office ay bahagi ng reporma na ipinatutupad sa BuCor para ganap nang matuldukan ang kultura ng korapsyon at matigil ang operasyon ng mga convicted drug lords at iba pang convicted syndicate leaders sa loob ng detention facility.

Sinabi ni Eleazar, unang pagkakataon ito na pinayagan ang iba’t ibang law enforcement agencies na maglagay ng tanggapan sa New Bilibid Prison (NBP) para sa monitoring at intelligence-sharing sa BuCor.

Ang Quad-Intel Force ay binubuo ng NCRPO, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-NCR, National Bureau of Investigation (NBI)-NCR at Joint Task Force-NCR ng militar.

Mandato din ng Quad-Intel Force Liaison Office na bumuo ng operational plans sa anumang actionable intelligence report sa loob ng NBP laban sa mga kasabwat ng mga convicted drug lords at personalidad kabilang ang mga narcos sa law enforcement agencies.

Si General Eleazar ang may inisyatibo ng pagbuo ng Quad-Intel Force dahil sa nakitang hindi pagkakasundo ng mga law enforcement agencies sa pagpapatupad ng operasyon laban sa illegal drugs syndicates.