NCR Plus, Metro Cebu at Metro Davao, unang bibigyan ng mga bagong dating na AstraZeneca vaccine

Agad makatatanggap ng bagong suplay ng AstraZeneca vaccine ang tatlong malalaking rehiyon sa bansa matapos dumating kanina ang 2 million doses. 

Sinabi ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., prayoridad na mabigyan ng suplay ng AstraZeneca vaccine ang NCR Plus, Metro Cebu at Metro Davao. 

Ang tatlong rehiyon umanong ito ang may malaking bilang ng mga populasyon at may naitatalang mga nahahawaan ng virus. 

Prayoridad na mabakunahan ang mga frontliners at mga health care workers na unang tumanggap ng dose ng bakuna. 

Makakukuha rin ng AstraZeneca vaccine ang mga lalawigan ng Iloilo, Negros Occidental, Zamboanga, Bicol Region, CALABARZON at Central Luzon. 

Unang dumating ang 500,000 doses ng AstraZeneca vaccine noong buwan ng Marso. 

Sinabi ni Sec. Galvez, mayroon pang inaasahang suplay ng AstraZeneca at iba pang bakuna na maaaring dumating ngayon buwan o kaya ay sa Hunyo.