NBI, magsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y pagtatapon ng mga depektibong medical equipment sa bansa na nagkakahalaga ng P45-B

Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na gagawa sila ng agarang aksyon sa kasong economic sabotage na isinampa ni special envoy to China William Lima sa NBI laban sa mga brokers ng World Medical Relief Inc. (WMRI), isang international aid group na nakabase sa Estados Unidos dahil sa pagpapadala ng mga basura sa Pilipinas ngunit nakarehistro bilang mga medical donations.

Ayon kay NBI Deputy Director Vicente de Guzman III, tinitiyak nilang iimbestigahan ang umano’y pagtatapon ng mga medical waste at mga depektibong mga medical equipment sa bansa na umanoy 12 taon nang nagaganap.

Base sa isinampang kaso, isang David Zarate na isang negosyante sa Mindanao ang nasa likod ng importasyon ng mga basura na kung saan idinideklara umano nito na pawang donasyon na ipapadala sa bansa.

Nadiskubre na mga sira-sirang mga medical equipment, kabilang na ang mga expired na gamot, sirang mga dialysis machine, hindi na mapapakinabangang mobile CT-Scan truck, at mga ambulansya na aabot sa P45-billion ang halaga ang ipinapadala sa Pilipinas ng WMRI.

Si Zarate umano ay nagpakilala rin umanong doktor at ambassador ng WMRI sa bansa.

Sinabi rin ni Lima na sa loob ng 12 taon ay nasa 104 ospital na ang nakatanggap ng mga bulok na medical equipment.

Karamihan sa mga ospital na ito ay nasa Mindanao.   Nasa 150 na container na puno ng sira-sirang equipment umano ang pumapasok sa bansa kada taon na may halagang P25-milyong piso kada container.

Napag-alaman pang ang huling pinadalang shipment ng kumpanya ay nagkakahalaga ng P36-million na nakadeklara bilang mga gamot sa kanser.

Nakakapasok umano ang mga ito nang walang permit mula sa Estados Unidos.  Wala rin umanong Department of Finance (DOF) clearance, Department of Health (DOH) o Food and Drug Administration (FDA) permit ang mga nasabing mga ipinadala.

Titignan ng NBI kung may nangyayaring posibleng sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) dahil nakalabas ang mga kargamento sa BoC nang walang binabayaran.

Kabilang sa kinasuhan sina Manila Councilor Bernardito Ang at WMRI President George Samson.