Navy at Army, bibili rin ng surveillance drones kasunod ng pag-deliver sa PAF ng 6 na Scaneagle UAV’s mula sa US — DND Sec. Lorenzana

Ayon kay Lorenzana, ang kapasidad ng mga drone na manatili sa himpapawid ng 24 oras at pagkakaroon ng high-tech surveillance at communication relay capabilities ay malaking tulong sa pag-angat ng kapasidad ng AFP sa combat at non-combat operations.

Bibili rin ng sariling surveillance drones ang Philippine Navy at Philippine Army, kasunod ng pag-deliver ng Estados Unidos ng anim na Scaneagle Unmanned Aerial Vehicles (UAV) sa Philippine Air Force.

Ito ang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa turnover ceremony ng mga bagong surveillance drones sa Villamor Airbase kahapon.

Ang mga high-tech surveillance drones na unang gagamitin ng bagong-tatag ng 300th Air Intelligence and Security Wing ng PAF ay kinuha ng Pilipinas sa pamamagitan ng $13.76 million dollar military financing ng Estados Unidos.

Ayon kay Lorenzana, ang kapasidad ng mga drone na manatili sa himpapawid ng 24 oras at pagkakaroon ng high-tech surveillance at communication relay capabilities ay malaking tulong sa pag-angat ng kapasidad ng AFP sa combat at non-combat operations.

Partikular aniyang pakikinabangan ng Air Force ang mga drone sa pagpapatrolya ng sea lanes at maritime borders, kung kaya’t kukuha rin ang Philippine Navy.

Aniya ang mga kukuning surveillance drone naman ng Army ay mga tactical UAVs para suportahan ang Brigade o Battalion-size Operations na may kinalaman sa anti-terrorism, internal security, law enforcement at humanitarian and disaster relief.

Ayon kay Lorenzana, inaasahan niya na mai-integrate ang operasyon ng lahat ng mga UAVs na ito upang magkaroon ng epektibong coverage ang pag-monitor sa buong bansa. | via Leo Sarne