Navotas LGU, nagbukas ng community isolation facility vs COVID-19

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Navotas na gagamitin nito ang apat na palapag na gusali ng Navoas National High School upang gamitin bilang community isolation facility para sa mga makikitaaan ng sintomas ng COVID-19 sa lungsod.

Isang-daan ang bed capacity ng nasabing gusali kung saan gagamitin ang unang palapag para sa mga buntis at mga nagpapagatas na ina na may sintomas ng nasabing sakit.

Gagamitin naman ang pangalawa at ikatlong palapag para sa mga suspected at probable na COVID-19 patients habang sa ikaapat na palapag naman ilalagay ang mga ibang nagpositibo sa sakit na hindi malala ang kalagayan.

Dadalhin naman ang mga pasyenteng may malalang kalagayan sa Navotas City Hospital.

May mga telebisyon at wifi ang bawat kwarto para sa mga pasyente. May naka-install ring mga CCTV cameras sa pasilidad upang matiyak ang seguridad ng mga pasyente.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, makatutulong ang isolation facility upang maiwasan ang patuloy na pagkalat ng nasabing sakit dahil maaring manatili ang mga may sintomas ng sakit sa nasabing pasilidad imbes na sa kanilang mga bahay.

Samantala, sa pinakahuling tala ng Navotas LGU, umabot na sa 35 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 14 ang nananatili sa mga ospital, 11 ang gumaling na habang 10 naman ang nasawi.

Photos from Navotas PIO