Nat’l Vaccination Operation Center, tiniyak na walang AstraZeneca vaccines ang masasayang

Tiniyak ng National Vaccination Operation Center na walang AstraZeneca vaccines, ang masasayang o aabutan ng expiration date sa June at July bago ito magamit.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Heath Usec. Myrna Cabotaje, na ang 500,000 doses mula sa dalawang milyong doses na dumating sa bansa ngayong buwan, ay gagamitin bilang second dose para sa mga indibidwal na una nang nakatanggap ng AstraZeneca bilang first dose noong March.

Habang ang natitirang 1.5 million doses naman ay gagamitin bilang first dose ng mga nasa A1-A3 priority list.

Sa ganitong paraan aniya, magagamit ang lahat ng bakuna bago ang expiration date ng mga ito.

“Maidya-jab natin iyong 1.5 million hanggang end of June for the second dose ng AstraZeneca at saka iyong first dose na remaining, and then may July tayo na 500,000.” —Usec Cabotaje.

Magiging mabilisan na rin aniya ang pagbabakuna gamit ang AstraZeneca vaccines, lalo at nagbigay na ng commitment ang mga regional health office ng Department of Health (DOH) para dito.

“Kinuha na nga po natin iyong commitment ng ating mga regional health office tapos titingnan talaga nila iyong mga probinsiya at saka mga municipality para iyong mga naka-allocate na second dose for the first dose of the AstraZeneca na 500 ay maibigay na lahat this month or hanggang next month. And then iyong remaining doses na 1.5 million ay gagawin lahat first doses so mabilisan iyan.” —Usec Cabotaje.