Nat’l gov’t, pakikilusin ng Pangulo para mabilis na maibalik sa normal ang mga naapektuhang lugar na tinamaan ni Usman

Handang tumulong ang national government para sa mabilis na pagbangon ng mga lugar at residenteng labis na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Usman.

Ito ang inihayag ni dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go kasunod ng ginawa nilang aerial inspection kahapon ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang area ng Kabikulan na tinamaan ng kalamidad.

Mahigpit ang bilin ani Go ng Pangulo na ibalik sa normal sa lalong madaling panahon ang mga lugar na tinamaan ng bagyong Usman gaya ng Camarines Sur at Sorsogon.

Handa aniyang kumilos dito ang national government sa gitna ng pagnanais ng Pangulo na mabilis na maka-recover at bumalik sa normal ang sitwasyon sa mga apektadong lugar at residente.

Dagdag ni Go na isa ang Lake Buhi sa kanilang naikutan ng Pangulong Duterte at ang problema aniyang nakita ng Chief Executive ay kung paano madi-drain ang tubig na nadagdag sa lawa gayung wala namang dagat na maaaring daanan itong palabas.  | ulat ni Alvin Baltazar