Nationwide coordinated attacks ng NPA, ilulunsad sa October 17 bilang bahagi ng “Red October” ouster plot – AFP

Tuloy pa rin ang Red October ouster plot na katatampukan ng nationwide coordinated attacks ng New People’s Army (NPA) na naka-sentro sa October 17.

Ito ang ibinunyag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff for Operations Brig. Gen. Antonio Parlade, kung saan tinukoy nito na target ng sabayang pag-atake ng mga NPA ang mga Police outposts at Army detachments sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Bagamat “doomed to fail” na aniya ang planong ito dahil nabuko na, ay itutuloy pa rin ng NPA ang kanilang tactical offensive upang maipakita na sila ay “force to be reckoned with” pa rin.

Sasabayanito ng tinatawag na “daluyong manggagawa” na bahagi ng planong lumikha ng “social unrest” sa hanay ng mga manggagawa.

Bahagi lang ito ng maraming “phase” ng “Red October” na kung saan ang pumalyang “Oplan Aklasan” ay isa rin sa mga “phase”.

Hindi lang aniya nagtagumpay ang “Oplan Aklasan” na noon sanang September 21 ilulunsad, dahil nagsi-atrasan ang mga ibang grupong kasama dapat dito nung malaman nilang mga komunista ang nasa likod ng plano.

Ayon kay Parlade, bilang pangontra dito, nasa opensiba na ang AFP at aktibong hinahanap na ang mga pwersa ng NPA para unahan na ang mga ito bago pa man sila umatake.  | ulat ni Leo Sarne