Nationwide anti-colorum crackdown ng gobyerno, hindi lehitimo kung walang kinatawan ng LTFRB sa operasyon

Nagbigay ngayon ng palatandaan sa publiko ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) hinggil sa lehitimong operasyon ng ‘Task Force Kamao’ sa kampanya laban sa mga kolorum na pampublikong sasakyan.

Ayon sa pinuno ng I-ACT at Transportation Undersecretary for Roads na si Tim Orbos,walang anti-colorum operations ang task force hangga’t walang presensiya ng mga tauhan mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ito aniya ay upang masiguro na walang magsasamantalang mga indibidwal sa operasyon laban sa iligal na operators ng public utility vehicles (PUVs).

Binigyang diin  ni Orbos na hindi awtorisadong manghuli ang mga ahensiya kung wala silang kasamang kinatawan ng LTFRB na siyang lead agency sa pinatinding nationwide anti-colorum crackdown ng gobyerno.

Kasama ng regulatory agency sa kanilang operasyon na tinawag na ‘Task Force Kamao’ ang LTO, MMDA, PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa ngayon, may pinanghahawakan ng kumpleto at updated na database ang LTFRB kaugnay ng mga legal na prangkisa at accredited na units.  | via Shane Juan