National Security Adviser Esperon, pinabulaanan na “fake news” ang balita tungkol sa masamang kalusugan ni Sison

Pinabulaanan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang akusasyon ni National Democratic Front (NDF) Negotiating Panel Chair Fidel Agcaoili na nagkakalat siya ng “fake news” tungkol sa masamang kalusugan ni CPP Founding Chair Joma Sison.

Giit ni Esperon, credibile ang kanyang source mula sa loob ng Central Committee na nagsabing totoong may malubhang karamdaman si Sison.

Buwelta ng kalihim, ang akusasyon laban sa kanya ng NDF chair ay isang desperadong hakbang lang para panatilihin si Sison sa eksena sa usapang pangkapayapaan.

Pero ang totoo aniya ay wala nang saysay si Sison sa isinusulong ng pamahalaan na localized peace talks.

Sa localized peace talks ay direkta nang kakausapin ng LGUs ang mga rebelde sa kanilang nasasakupan sa halip na makipag-usap ang pamahalaan sa grupo ni Sison na nasa ibang bansa.  | ulat ni Leo Sarne