National Joint Security Coordinating meeting sa BOL plebiscite, isinagawa

Isinagawa ngayong umaga sa Multipurpose Center sa Camp Crame ang National Joint Security Coordinating meeting sa pagitan ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) At Commission on Elections (COMELEC).

Ang pagpupulong, na paghahanda para sa idaraos na plebisito sa Bangsamoro Organic Law (BOL), ay pinangunahan ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, AFP Chief of Staff Lt. Gen. Benjamin Madrigal at Commission on Elections Chairman Sheriff Abas.

Sa Enero 21 ang referendum sa buong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), at mga lungsod ng Isabela, Basilan at Cotabato.

Sa Pebrero 6 naman, sa mga lalawigan ng Lanao del Norte at North Cotabato.

Una nang inihayag ng PNP Chief, na magpapadala ng karagdagang isang batalyon ng Special Action Force (SAF) troopers ang PNP sa Cotabato para tiyakin ang maayos na pagdaraos ng plebisito.

Ito’y dahil sa kinokonsidera ang Cotabato bilang isa sa “problem areas,” kung saan mainit ang tunggalian ng mga pabor at hindi pabor na mapabilang sa Bangsamoro Autonomous Region na siyang papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Una na ring inihayag ni Madrigal, na 10,000 sundalo naman ang idedeploy ng AFP para sa seguridad ng plebisito at naka-standby din ang karagdagan pang tropa kung kakailanganin. | ulat ni Leo Sarne