National ID, malaking tulong umano kontra-terorismo

Malaking tulong sa kampanya kontra-terorismo ang national ID system.

Ito ang sinabi ni 6th Infantry Division Commander, Maj. Gen Cirilito Sobejana matapos lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang batas kahapon.

Partikular aniya na makatutulong sa militar ang National ID sa pagsala ng mga ‘potential threats’ sa mga lugar kung saan aktibo ang mga terorista katulad sa Maguindanao kung saan naka-base ang pwersa ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Hindi aniya sikreto na gumagamit ng mga pekeng ID ang mga terorista para humalo sa mga sibilyan.

Patunay aniya nito ang mga narerekober ng militar na mga pekeng ID sa mga enkwentro at operasyon.

Ayon sa heneral, mas madali na ngayon para sa mga sundalo na nagmamando ng checkpoint na beripikahin ang pagkakakilanlan ng mga may national ID at mas mag-iingat laban sa mga potential threat na walang maipakitang ID.  | ulat ni Leo Sarne