Natalong barangay chairman sa Antipolo City, pinatay

Pinagbabaril hanggang sa mapatay sa loob ng kanyang bahay ang natalong kandidato sa Brgy. San Isidro, Antipolo City kaninang umaga.

Ang napatay, ayon kay Antipolo City Police Chief Supt. Serafin Petalio ay si Rodolfo ‘Rudy’ Lico.

Base sa imbestigasyon, pumasok ang lalaking gunman na nagpanggap na delivery boy ng LBC courier service sa loob ng bahay ng biktima sa #79 Sto. Nino St.

Sinabi ni Col. Petalio, ang body guard ni Lico na si Alfred Palanca ang mismong nagpapasok sa suspek sa loob ng bahay para personal na iabot ang idi-deliver na brown envelope.

Paglabas aniya ni Lico ay sunud-sunod na pinaputukan ito ng baril at saka sunod na binaril si Palanca at isa pang kasama na si Tony Salandra.

Nasa Clinica Antipolo na ang dalawang nasugatan.

Mabilis na tumakas ang suspek kasama ang isa pa na sakay ng nakaabang na motorsiklo.

Isa sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya sa pagpatay kay Lico ay land grabbing.

Batay sa record ng Barangay San Isidro at Antipolo City-PNP, maraming mga kaso si Lico na may kinalaman sa pangangamkam ng lupa.

Isinasantabi muna nila ang anggulo sa politika dahil kung ito man ang dahilan ng pagpatay ay isinagawa ito dapat noon pang bago o araw ng eleksyon.

Sa panig ng pamilya ng biktima malaki ang kinalaman ng politika sa pagpatay dahil naghain ito ng protesta sa DILG dahil sa talamak na vote buying sa nakalipas na Barangay at SK Election. | via Rey Ferrer