Nasusunog na warehouse sa Paltok, Quezon City, ‘fire under control’ na ayon sa QC-Bureau of Fire Protection

Makalipas ang mahigit sa isang oras, idineklara nang ‘fire under control’ ang nasusunog na warehouse na matatagpuan sa Kundiman St. kanto ng Zorra St. sa Barangay Paltok, Quezon City.

Ayon sa QC-Bureau of Fire Protection, ginamitan pa nila ng kemikal ang pag-apula sa nasusunog na gusali kung saan nakaimbak at ginagawa ang iba’t ibang furniture.

Patuloy pa ring inaalam ng arson investigators ang pinagmulan ng apoy na sinasabing sumiklab sa gitnang bahagi ng warehouse pasado ala-una y medya ng hapon.

Dahil may fire wall ang gusali ay hindi na kumalat pa sa katabing warehouse at residential area ang sunog.

Wala namang napaulat na na-trap o nasugatang empleyado ng warehouse na pagmamay-ari ng isang Michael Falsis.

Hindi pa batid sa mga sandaling ito ang halaga ng pinsala. | ulat ni Shane Juan