Nasa 108 guest na nagtungo sa Gubat sa Ciudad resort, na-contact na ng pamahalaan

Na-contact na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nasa 108 guests o iyong mga nag-swimming sa Gubat sa Ciudad sa Caloocan sa kabila nang ipinatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) status sa National Capital Region (NCR) Plus bubble.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na sa nabanggit na bilang 72 pa lamang ang sumasailalim sa swab testing, at naghihintay ng resulta.

Sa kabuuan ay nasa 496 ang indibidwal na dumagsa sa resort noong Linggo, May 9.

Ibig sabihin, karamihan sa mga ito ay hindi pa nakakausap ng pamahalaan.

Nasa 180 sa mga ito ay taga-Caloocan, 11 ang taga Bulacan, tatlo mula sa Malabon, lima ang nagmula sa Maynila, 26 ang taga-Quezon City, habang pito ang mula naman sa Valenzuela.

Kaugnay nito, umaapela ang pamahalaan sa mga nag-swimming sa Gubat sa Ciudad na makipag-ugnayan sa kanilang mga LGUs lalo’t para rin ito sa kanilang kapakanan.