Nasa 100K hanggang 200K trabaho, posibleng maapektuhan ng Alert Level 3 sa NCR

Tinatayang nasa 100,000 hanggang 200,000 trabaho ang maaapektuhan ng umiiral na Alert Level 3, sa Metro Manila, simula ngayong araw.

Ito ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, ay dahil ito rin ang bilang ng mga manggagawang nakabalik-trabaho noong bumaba sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) mula sa Alert Level 3 noong Nobyembre.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ng kalihim na nasa P200 million rin ang maaaring mawala sa pagtaas ng alert level sa rehiyon.

Gayunpaman, patuloy aniyang babantayan ng pamahalaan ang mga datos sa susunod na dalawang linggo, kabilang na ang ICU at hospital utilization rate.

Kung hindi naman aniya gagalaw ang numerong ito o hindi mapupuno ang mga ospital, makapagbibigay ito ng kumpiyansa sa pamahalaan na ibaba muli sa Alert Level 2 ang NCR.

Binigyang diin ni Secretary Lopez, na ang pinakaimportante naman sa kasalukuyan ay mailayo ang bansa sa posibleng pagdami ng Omicron cases ng COVID-19.