Nasa 1,000 residente ng Muntinlupa na inilikas dahil sa Bagyong Quinta, nagsisiuwi na

Tinatayang 1,000 residente sa Muntinlupa City na inilikas dahil sa epekto ng bagyong Quinta, ang unti-unti ng nagsisiuwian sa kanilang tahanan.

Marami sa evacuees ang bumalik sa kanilang bahay para mag-inspeksyon ngayong wala nang ulan na nararanasan sa Metro Manila.

Mahigit 250 pamilya ang nagpalipas ng gabi sa walong covered courts ng Barangay Buli, Poblacion, Cupang, Alabang, at Bayanan.

Karamihan sa mga naapektuhang residente ay naninirahan malapit sa Laguna De Bay, kaya binaha ang kanilang lugar at nakaranas ng malakas na hangin.

Lahat ng inilikas sa evacuation sites ay binigyan ng pagkain at sumailalim sa medical check-up.

Sa kabila nito, nagpatupad pa rin ng health at safety protocol ang mga awtoridad dahil sa pandemya gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield.