Narco list, planong isapubliko ng DILG bago ang 2019 midterm elections

Plano ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isapubliko sa mga susunod na araw ang listahan ng mga pulitiko, na sinasabing sangkot sa illegal drug trade sa bansa.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, hinihintay na lamang nila ang clearance ni Pangulong Rodrigo Duterte bago tuluyang isapubliko ang naturang listahan, na bina-validate na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Tulad aniya noong nakaraang barangay elections, naniniwala si Malaya na malaki ang maitutulong ng naturang listahan sa gagawing pagpili ng mga botante ng mga taong karapat-dapat na iluklok nila sa pwesto sa 2019 midterm elections.

Nabatid na noong nakaraang barangay elections ay nakapaglabas sila ng listahan ng mga barangay officials na sangkot sa illegal na droga matapos na mabigyan sila ng clearance ng Pangulo ng gawin ito.

Nakatulong naman aniya ang listahan sa mga botante, dahil karamihan sa mga kasama sa barangay narco list ay hindi nanalo sa eleksyon, partikular na sa Metro Manila, bagamat may ilan pa ring kasama sa listahan ang nanalo naman sa mga lalawigan.

Gayunman, sa ngayon aniya ay wala pang clearance na ibinibigay ang Pangulo para isapubliko na nila ang listahan ng mga pulitikong sangkot sa illegal drug trade.

Masusi na rin naman aniyang nakikipag-ugnayan ang DILG sa Commission on Elections (Comelec) upang matiyak na ang mga pulitiko sa kanilang narco list na tumatakbo sa 2019 midterm elections ay madi-diskwalipika. | ulat ni Ched Oliva