Nararanasang rotational brownouts, pinaiimbestigahan sa Kamara

Naghain ng resolusyon si Assistant Majority Leader at Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo para imbestigahan ang nararanasang rotational brownouts sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa Luzon.

Sa ilalim nito, inaatasan ang House Committee on Energy na pinamumunuan ni Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo para manguna sa pagsisiyasat.

Tinukoy ni Hipolito-Castelo, ang patuloy na brownouts sa kabila ng pagtiyak ng Department of Energy noong Abril na wala silang nakikitang energy shortage sa kasagsagan ng summer season.

Pero nitong weekend, isinailalim sa red at yellow alert ang Luzon bunsod ng pagbaba ng reserba at suplay ng kuryente at pagtaas naman ng demand dahil sa mainit na panahon dahilan para magpatupad ng manual load dropping (MLD) sa Metro Manila at sa Luzon.

Binigyang diin ni Hipolito-Castelo na mahalaga ang suplay ng kuryente ngayong may pandemiya dahil nangangailangan ng refrigeration at tamang temperaura ang COVID-19 vaccines.

Apektado rin aniya ang online class ng mga estudyante at mga guro gayundin ang mga empleyadong nakawork from home arrangement dahil sa madalas na power interruptions.

Sa Biyernes, June 4 ay nagpatawag naman ng briefing ang Committee on Energy hinggil sa issue.