Napipintong pagtataas ng ATM fees, nais paimbestigahan

Planong magpatawag ni Makati City Representative Luis Campos Jr. ng house inquiry in aid of legislation, hinggil sa napipintong pagtataas ng ATM fees matapos alisin ng Bangko Sentral ang moratorium dito.

Ayon sa mambabatas, may mandato ang pamahalaan na protektahan ang interes ng mga konsyumer at kung sakaling matuloy nga ang pagtataas sa ATM fees, ay maaapektuhan ang nasa limampu’t walong milyong ATM cardholders.

Partikular aniyang papasan dito ay ang nasa mahigit apat napung milyong minimum wage earners, na nagwi-withdraw ng kanilang mga sahod dalawang beses kada buwan.

Kung matutuloy, aabot sa 36 hanggang 50 porsiyento ang inaasahang ipapatupad na pagtaas ng mga bangko sa kanilang mga fee.

Sa kasalukuyan ay mayroong ₱10 hanggang ₱15 na charge sa kada interbank withdrawal transaction, at ₱2 naman sa kada interbank balance inquiry.

Sa isang text message, sinabi naman ni BSP Governor Benjamin Diokno, na inalis man nila ang naturang moratorium ay hindi pa rin agad-agad makapagpapatupad ng taas singil ang mga bangko.

Aniya, ang halagang itataas sa ATM fee ay dapat naaayon sa market based pricing at paborable sa interes ng publiko.