Napaulat na Sri Lankan suicide bombers sa bansa, away-pamilya lang ang pinagmulan – AFP  

Away-pamilya lang ang pinagmulan ng ulat tungkol sa umano’y Sri Lankan suicide bombers na nakapasok sa bansa.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo, kasabay ng pagsabi na nag-execute na ng affidavit sa National Bureau of Investigation (NBI)-Counter Terrorism Division ang isa sa mga tinutukoy na umano’y suicide bombers sa report ng Straits Times ng Singapore.

Sa affidavit ay itinanggi ni Victoria Sophia Sto. Domingo na siya, at ang kanyang “fiance” na Mark Kevin Samhoon ay suicide bombers.

Itinanggi rin niya na ang kanyang ina na si Anarkalie Dulara Palliyaguruge Sto. Domingo ay terrorist financier, tulad ng iniulat.

Ayon kay Arevalo, itinuro ni Victoria ang kanyang ama na si Diosdado Manolette Mortalla Sto. Domingo ang nag-report sa mga awtoridad na sila ay suicide bombers.

Kaya base aniya sa impormasyong ito, ay kaduda-duda ang report na may nakapasok na Sri Lankan suicide bombers sa bansa.

Payo naman ni AFP Chief General Benjamin Madrigal sa publiko na huwag basta maniwala sa mga unverified reports na lumalabas sa media.

Tiniyak naman ni Gen. Madrigal na patuloy na makikipag-coordinate ang AFP sa NBI, Philippine National Police (PNP) at mga local at foreign intelligence agencies para pangalagaan ang seguridad ng bansa.