Napaulat na pagkasira ng marine ecosystem sa Alcoy, Cebu dahil sa dolomite extraction, pag-aaralan ng pamahalaan

Pag-aaralan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga ulat na ang dolomite extraction sa Alcoy, Cebu ay nakakasira ng marine ecosystem ng lugar.

Ang mga dinurog na dolomite rocks ang siyang itinabon sa Manila Bay na nagsisilbi ngayong white sand sa lugar.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, biberipikahin pa ng pamahalaan ang mga impormasyong ito. At aalamin kung paano maiibsan kung nagkaroon man ng danyos.

Sinabi ng kalihim na simula pa man noon, ang pabibenta ng dolomite ay naging kabuhayan na ng mga taga-Alcoy, Cebu at hindi na aniya ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbenta ang mga ito ng dolomite.

“Hindi po ito kauna-unahang pagkakataon na sila’y nagbenta ng dolomite. Nakasalalay po iyong buong bayan na iyan sa pagbibenta ng dolomite. So matagal na po iyang nangyayari at iyan po ay dahilan para sa napakaraming may hanapbuhay at trabaho diyan po sa Alcoy, Cebu,” paliwanag ni Secretary Roque.