Napaulat na kaso ng vote buying, nilinaw ng LTFRB

May paglilinaw ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa napaulat na kaso ng ‘vote buying’ matapos maharang ang ilang pampasaherong jeep sa isinagawang anti-colorum operations ng Inter-agency Council for Traffic (I-ACT) at Task Force Alamid kasabay ng pagdaraos ngayong araw ng Barangay at SK Elections.

Ayon kay LTFRB Board Member at I-ACT Spokesman Atty. Aileen Lizada, walang kinalaman ang isang Chairman Paul Par sa narekober na papel kung saan nakasulat na iboto ang isang Kagawad Tibo Lazaro.

Aniya, napulot lamang daw ng kapitan ang papel at saka isinulat ang isanlibong pisong kabayaran sa tsuper ng inarkilang PUJ para dalhin sana ang ilang botante sa polling precinct kaninang umaga.

Sabi pa ni Lizada na ayon sa operations team ng regulatory agency ay walang kinalaman ang nabanggit na kandidato sa nahuling kolorum na jeep sa Maynila at Quezon City na minarkahan pa bilang mga Comelec vehicle.

Pero sa pakikipag-ugnayan ng LTFRB, itinatanggi ng poll body na sila ay nagbigay ng ‘special permits’ para sa mga pampublikong sasakyan.

Nakatakda namang magsumite ng spot report ang ahensya sa Comelec kaugnay nito para sa kaukulang aksyon.

Samantala sa kabuuan, umabot sa 97 na mga sasakyan ang hinuli sa operasyon ng I-ACT sa Metro Manila dahil sa iba’t ibang paglabag  kabilang na ang mga colorum, out-of-line at mga election-related offenses.

Dalawampu’t tatlong riders naman ang tiniketan dahil sa pagmamaneho ng walang suot na helmet. | via Shane Juan